Friday, March 18, 2011

Rizal: Rebolusyon at Kasarinlan (Jose Rizal Movie)


Binigyang diin sa palabas ang pagiging manunulat ni Rizal. Sa pamamagitan ng mga kanyang kasulatan, naisalarawan ang kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas sa ilalim ng pamamahala ng mga Espanyol. Ginamit din na istilo sa palabas ang pagpapakilala sa dalawang tauhan mula sa sarili niyang nobela, sina Crisostomo Ibarra at Don Simoun. Mapapansin na ang istilo ng paglalahad ay mula sa dalawang pananaw, ang isa ay mula sa punto ni Rizal at ang isa naman ay mula sa kanyang mga tauhan sa nobela.

Maraming mga insidente ng pang-aabuso ng Kastila ang naipakita sa pelikula. Isa sa mga ito ay ang pagbitay sa tatlong Pilipinong pari sa ilalim ng paratang na rebelyon dahil sa hindi patas na trato sa mga estudyanteng Pilipino. Binigyang pansin ang mga pangyayari na maaaring naghimok sa mga Pilipino upang tuluyang ipaglaban ang kanilang kalayaan at karapatan. Bilang isang mamamayan ng Pilipinas, hindi kaila kay Jose Rizal ang kalupitan ng mga Kastila at sinubukan niyang isawalat sa buong mundo ang mga pang-aabusong ito sa pamamagitan ng pagsulat. Marahil ay ito rin ang isa sa mga nagpalakas at napatindi sa adhikain ng mga Pilipino na tuluyang makamtam ang kasarinlan na matagal na ring ipinagkait sa kanila.

Ipinakita rin sa pelikula ang mga maaaring kahinaan ng ating pambansang bayani. Sa tuwing inuusig siya ng kanyang abogadong Espanyol, madalas uminit ang kanyang ulo. Mapapansin na mismong si Rizal ay hati ang pananaw tungkol sa pagkamtam ng kalayaan. Patuloy ang katanungan kung maituturing bang isang solusyon ang rebolusyon o kung ito ay magbabadya lamang ng mga hindi magagandang pangyayari. Maituturing na alter-ego ni Rizal si Ibarra, subalit nakakapagtaka na hindi naging katulad ni Don Simoun si Rizal sa tunay na buhay. Hindi siya sumang-ayon sa rebolusyon, hindi kagaya ng kanyang akda. Marahil ay naipakita rin sa kanyang nobela kung bakit hindi tuluyang pumanig si Rizal sa rebelyon. Isa sa kanyang mga tauhan, si Padre Florentino, ang nakausap at nakasama ni Don Simoun sa kanyang nalalabing sandali bago siya mamatay. Ipinaliwanag sa bandang ito ang paniniwala ni Rizal na hindi magsisilbing pangmatagalang solusyon ang rebelyon sa pagmamalabis ng mga Kastila. 

Isa rin makabuluhang bahagi ng pelikula ang pagpapakita ni Don Simoun kay Rizal sa bisperas ng kanyang kamatayan. Inuusig si Rizal kung bakit hindi niya pinahintulutan ang pagsabog ng lampara sa kanyang nobela, Maihahalintulad natin ang eksena na ito sa agam-agam ni Rizal tungkol sa ideyang rebolusyon. Naipakitang nagdadalawang-isip siya kung tama ang kanyang piniling desisyon. Tila sa bandang huli ay nagninilay-nilay pa rin si Rizal sa ideya ng rebelyon pero gaya ng kanyang isinulat, hindi sang-ayon si Rizal na lupigin ang Espanya. Hindi kailanman magiging solusyon ang karahasan sa isang karahasan, bagkus ay lalo lang itong magpapatuloy sa isang paulit-ulit na proseso. Ipinagtanggol din ni Rizal na hindi sapat ang dahilan ni Simoun para mag-aklas dahil maituturing na pansariling dahilan ang kanyang rason para magpasiklab ng rebolusyon. Ang pagsusumamo ni Simoun kay Rizal na baguhin ang pagkakasulat sa kanya upang patuloy na pasabugin ang lampara ng rebolusyon ay nag-iwan ng katanungan sa mga manood tungkol sa saloobin ni Rizal sa usaping rebolusyon. X   





No comments:

Post a Comment